Skip to main content

WORLD TSUNAMI AWARENESS DAY

Nakiki-isa ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa paggunita ng World Tsunami Awareness Day ngayong araw Nobyembre 5, 2020.

Ibinahagi ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO Lingayen) sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang ilang hakbang na dapat tandaan sakaling may banta ng tsunami sa bayan.

Paliwanag ng naturang tanggapan, nangyayari ang tsunami kapag may lindol sa ilalim ng dagat – dahilan ito para umuga ang seabed at tumapon ang tubig nito papunta sa dalampasigan.

Isa ang Lingayen sa mga bayan na na itinuturing na coastal areas kung kaya’t importante umanong malaman at matutunan ng mga kababayan ang mga pangunahing hakbang na dapat gawin sakali mang tumama ito sa lugar.

Bagama’t madalang mangyari, inihayag ng LDRRMO na mapaminsala ito kaya’t dapat umanong maging alerto sa lahat ng pagkakataon. Kabilang sa mga dapat tandaan ay ang “Shake, drop, and roar” o senyales na may paparating na tsunami.

Dapat may shake, o lindol; drop, o mabilis na pagbaba o pagtaas ng tubig; at roar, o ang maririnig na dagundong na senyales na may paparating na alon. May ilang minuto o oras bago tumama ang tsunami sa lupa, kaya may pagkakataon pang lumikas at pumunta sa evacuation areas na nasa matataas na lugar.

Hindi mapipigil o mahahadlangan ang pagkakaroon ng tsunami, ngunit maaari umanong mabawasan ang epekto nito sa pamamagitan ng pagiging handa ng komunidad lalo na sa oras ng babala, at pagkakaroon ng karampatang aksyon.

Ang pakiki-isa ng LGU Lingayen sa pag obserba ng World Tsunami Awareness Day ay isang paraan upang mapataas ang kamalayan, kahandaan at kaalaman ng publiko pagdating sa tsunami o anumang uri ng sakuna. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan