Skip to main content

Young Couple’s Fair

Nasa tatlumpu’t walong (38)  ‘young couples’ sa bayan ng Lingayen ang nakibahagi sa programa ng Pamahalaang Panlalawigan na Young Couple’s Fair na ginanap sa Lingayen Civic Center ngayong araw Marso 11, 2022.

Ito ay inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Amado “Pogi” I. Espino III na may layuning mabigyan ng sapat na kaalaman at impormasyon patungkol sa responsible parenthood ng mga kabataang maagang nakapangasawa.

Personal na nakibahagi dito sina Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas Quiocho kasama si Councilor JM Crisostomo.

Sa kanyang maikling mensahe inihayag ni Vice Mayor Quiocho ang kahalagahan ng pagiging responsableng magulang sa murang edad.

Aniya, ang pagpapakita ng maayos na samahan at tapat na pagmamahalan ang siyang susi upang maging matatag ang relasyon ng kani-kanilang pamilya na kalaunan ay inspirasyon naman para sa kanilang mga anak.

“Mag uumpisa iyan sa pagmamahalan ninyong dalawa tapos sa pagpapalaki ninyo sa mga anak ninyo. Kayo po lahat na participants dito gamitin niyo po itong opportunity na ito upang mas mapatatag  pa ang inyong samahan, ang inyong mga relasyon” ani Vice Mayor Quiocho.

Dagdag pa ng bise alkalde, ang pagkakaroon ng sariling pamilya ay isa lamang sa pinakamahalagang parte ng ating lipunan.

“Ang request ko lang sa inyo, 10 years from now o 20 years from now, kayo pa rin ha dahil parte na kayo ng lipunan natin. We should have a happy family because Pangasinan including Lingayen is the best place to live, to invest and to raise a family”  pahayag ng opisyal.

Kabilang sa aktibidad na isinagawa sa Young Couple’s Fair ang reproductive health counselling, family planning counselling, pamamahagi ng libreng birth control pills at iba pang proteksyon.

Samantala, isinagawa rin ngayong araw ang pagpupulong o meeting ng Lingayen Federation of Persons w/ Disabilities na dinaluhan din ng mga nabanggit na opisyal.

Dito’y isa-isa nilang pinakinggan ang mga hinaing, suhestiyon at ilang panawagan ng mga kababayan.

Bagama’t hindi agaran, nangako si Mayor Bataoil na paunti unti nitong tutugunan ang lahat ng mga isinangguni sa kanya.

“Gagawan natin yan ng remedyo. Kung medyo may pagkukulang pa, lapitan niyo lamang ako. Sabihin niyo lang sa akin at gagawan natin yan ng paraan” anang alkalde. 

Sa ngayon, nakapokus ang LGU Lingayen sa pagpapatayo at pag papaganda ng bagong tanggapan ng MSWDO upang mabigyan ng maayos na serbisyo publiko ang lahat ng kababayan kabilang na ang sektor ng mga PWD. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan